Doon sa bayan ni Doraemon

Arigato Gozaimazu! Good morning. Arigato Gozai.. click!

“We have arrived at Narita Airport.”

     Eto na yun.
     Ang sandaling pinakahihintay ko pagkatapos ng anim na buwan na pagaantay.  Sa aking paglabas ng eroplano, tumambad ang napakalaking airport.  Tumingin ako sa paligid at alam kong hindi na ako nananaginip.  Makukulay na mga tindahan at mga taong tahimik na naglalakad suot ang makakapal na coat.  Lumabas ako ng airport at nakita ko na ang bus na maghahatid sa akin sa hotel.  Nakakatuwa dahil nasa kanan ang driver katabi ang isang matandang Haponesa na may hawak na microphone.  Ayos.
Umandar ang bus, hindi mapoknat ang mata ko sa pagtingin sa labas ng bintana.  Mga punong may kakaibang hugis na para bang may pattern ang pagtubo.  Pati halaman at puno disiplinado.  Paglipas ng dalawang oras bumukas ang pinto.  Humakbang ako palapit na may napakalapad na ngiti sa mukha ko.  Para akong papasok sa mahiwagang pinto ni Doraemon. – Surprise!

HOTEL EMION, TOKYO BAY
Passport? Check!
Luggage? Check!
Five star hotel? Check na check!

     Sinalubong kami ng carpeted na lobby at hallway papunta ng aming kwarto.  Kung sa Pinas ay airconditioning ang hahanapin mo, siguradong heater ang hahanapin mo dito.  Kumpleto ang kwarto sa makakapal na kurtina at comforter na may kasama pang pajamas.  Tinignan ko ang banyo at doon ako nagtaka kung bakit may maliit na bangkito katabi ng tub.  Doon ko nalaman ang kakaibang uri  ng paliligo ng mga Hapon.   Mauuna muna ang pagligo gamit ang shampoo, conditioner at body wash sa labas ng tub gamit ang bangkito at timba.  Kapag malinis na ang katawan ay doon lamang ikaw pwedeng maglubog ng katawan sa tub na may maligamgam na tubig.  Maaari rin itong gamitin ng susunod na maliligo sa iyo.  Pagkatapos maligo hindi dapat iwan na basa ang sahig ng banyo.
Pagdating ng alas-sais ay nag ring ang telepono at sinabi sa akin na nakahanda na ang hapunan.  Namilog ang mga mata namin sa mahabang pila ng pagkain na para bang hindi na matatapos.  Parang pakiramdam  ko ay titignan mo lang lahat iyon ay tataba ka na.  May soup, noodles, side dish, salad, prutas, at kakaibang luto ng seafood at karne.  Dahil nasa iisang kontinente lang ang Japan at Pilipinas ay may pagkakahawig naman ang mga pagkain natin.  Clean as you go ang drama kahit saan.  Praktikal daw ito dahil mas konti ang manpower na kailangan at mas maraming oras ang hindi naaaksaya.

TOKYO, JAPAN

     Time is Gold.  Lahat multi-tasking.  Habang umaandar ang bus ay parang linta kung makakapit ang guide naming haponesa sa kapitang metal sa tabi ng driver.  Defying gravity ang peg sa bawat preno habang iniisa-isa niyang sabihin ang mga gagawin naming aktibidad sa araw na iyon.  Mahigpit sila sa oras.  Maiiwan ka talaga kapag na late ka.  Nakita namin ang napakaraming temples sa Asakusa kabilang na ang Senso-ji Temple at ang higanteng pulang lantern sa Kaminarimon na makikita mo sa dulo ng mga souvenir shops na parang divisoria sa dami ng tao.

YONEZAWA SHI, YAMAGATA

     Ang Yonezawa ay isang siyudad sa Yamagata prefecture.  Ito ay kilala sa mansanas, beef at carp at sa pagiging castle town nito kung saan dito dating tumira ang Uesugi clan.  Para akong batang  nakakita ng santambak na tsokolate sa sobrang saya. Snow!  Dahil buwan ng Pebrero ay kalagitnaan ng winter season ng kami ay pumunta doon.  Iyon daw ang pinakamalamig na panahon at nagkataong pinakamakapal na snow noong taong iyon.  Paghinto ng bus sa tapat ng hotel ay nagmadali akong lumabas upang makatapak sa snow.  Aaaahhh! Ang lamig at parang harinang tinatapakan sa pakiramdam.
 Iskwik! Iskwik!
Ang sarap pakinggan ngunit hindi ko kinaya ang lamig kaya nagmadali akong pumasok sa hotel pagkatapos.

KUNORI-GAKUEN SENIOR HIGH SCHOOL

      Mainit na pagtanggap ang aming nasaksihan bago pumasok sa kanilang eskwelahan.  Ito ay isa sa pinakamatandang eskwelahang pribado sa Yamagata.  Pagpasok naming ay ipinahubad ang mga suot naming boots para magsuot ng tsinelas.  Ito ay para maiwasang mabasa ang sahig na yari sa kahoy.  Bawat classroom ay may heater dahil sa kahoy lamang ito ay mas matindi ang lamig sa loob ng school. Nag-iritan ang mga estudyanteng hapon ng makita ang aming delegasyon mula sa Pilipinas.  Nagagandahan sila sa kutis at itsura ng mga mukha natin dahil kakaiba ito kumpara sa kanila. Sabay-sabay kaming kumain ng lunch na nakahain sa bento box.  Inikot naming pagkatapos ang buong school kung saan ay nakita namin kung paano sila magsulat sa pamamaraan ng calligraphy, gayon na din ang paggawa ng origami, ang napaka kumplikadong tea ceremony, judo at paggawa ng snow lantern.

SUZUKI RESIDENCE

     Kinakabahan kami ng magsimula na ang homestay.  May mga host families kung saan ay tatlong araw kaming makikituloy sa kanilang tahanan upang maranasan ang tipikal na pamumuhay ng mga hapon.  Pagdating namin sa  bahay ay kapansin pansin ang paglalagay nila ng hinubad na sapatos na nakapwesto ng nakaharap sa pinto.  Ito ay para daw kapag aalis ay isusuot na lang ito ng diretso.  Katulad din ng kung paanong dapat ay tuyo ang paliguan pagkatapos ay ganoon din sa lababo nila.  Sa aming pag iikot ay natutunan ko din ang pagiging considerate nila sa kapwa lalo na sa pampublikong palikuran.  Pawang malilinis at mababango ang mga public toilet dahil disiplinado ang mga gumagamit.
Tunay na napakaganda ng bansang Japan hindi lamang sa mga tanawin dito at sa nakakamanghang teknolohiya, ngunit maging ng ugali ng mga naninirahan dito  Isang pangarap lamang na hindi ko inakalang magkakatotoo ang mapabilang sa mga ipinadala ng ating Gobyerno sa Japan para sa Jenesys 2.0 Batch 3. 
Parang isang pelikula, ngunit kagaya sa mga palabas, lahat ng bagay ay nagtatapos. Peron kahit ganon, ang aking naramdamang saya ay hindi magtatapos sa isang ‘Sayonara’ o Goodbye dahil para sakin patuloy akong magiging masaya dahil sa naibigay nito sa aking pagkatao kahit isa na lang itong alaala.


0 comments:

Post a Comment